“Animo’y” Uwing-uwi na, dali-dali sa pagkaripas. Maliwanag ang pagpapakita nang gilas sa mga kilos sa pag-alingawngaw ng tunog na hudyat ng uwian. Ang isipan ay nabaling na mula sa magdamag na pakikinig sa walang humpay na mga aralin at pagintindi sa napakaraming mga salita na nakasulat sa pisara. Ang mga takda ay panandaliang nawaglit sa gilid ng isipan, ang tanging tumatakbo sa kamalayan ay ang misteryo na kung ano ba ang mangyayari sa kabanatang hinihintay simula kahapon pa. “Bitin!” Sambat ng isang kaklase habang pinaguusapan ang mga kapana-panabik na eksenang napanuod sa telebisyon kahapon. Isang pamilyar na kaganapan na karamihan sa atin ay nakakakonekta, lalo na ang mga kabataan na inaabangan ang mga cartoons o anime na pinapalabas sa telebisyon tuwing hapon noong 90’s. Para kay Reen Barrera, malaking impluwensya sa kanyang buhay ang mga Anime na napanuod nya noong kanyang kabataan. Mula sa pagkokolekta ng mga laruan at pigurin hanggang sa mga mangilang elemento na lumalabas sa kanyang mga gawang obra. Noong kabataan, malamang ay marami sa atin ang nagtangkang mag Super Saiyan, nangarap na magkaroon ng kaibigang may mga mahiwagang kasangkapan sa bulsa , kumonekta ang Dempsey roll o maka Slam dunk ng puntos sa inter-high. Ang ilan sa mga palabas na ito ay sumasalamin sa imahinasyon ng mga kabataan na dinadala ang kanilang mga mumunting kamalayan papunta sa kakaibang mga mundo ng mga palabas na ito. Ngayong karamihan sa mga kabataang ito ay nasa hustong gulang na, ang pagbalik tanaw sa mga cartoons na ito ay nagbibigay ng pagtakas sa realidad ng mundo na kanilang ginagalawan. Ang “Animo’y” ay isang eksibisyon na kinatatampukan ng mga bagong gawang obra ni Reen Barrera ay patungkol sa kanyang pag balik-tanaw sa mga palabas na ito at ang impluwensya ng mga ito sa kanyang sarili. Sa pag-laro ng mga salitang “Animo ay o Animo’y” na nangangahulugang “hango, tulad, parang… etc” at “Anime” na mula sa salitang animation na kadalasang bansag sa mga cartoons na gawa ng mga Hapon, ipinakita ni Reen Barrera ang ginampanang malaking bahagi ng mga Anime sa kanyang buhay bilang isang alagad ng sining sa pamamagitan nang pag-gawa ng kanyang sariling mundo, kabilang ang mga karakter na kinatha mula sa kanyang sariling imahinasyon.